Kahit adhikain ni Rizal ang mga mapayapang reporma sa pamahalaan, naging pananaw ng iba pang mga naging bayani ng bansa na tanging madugong himagsikan ang natitira upang makamit ang kalayaan mula sa pagiging kolonya ng Espanya nang si Jose ay dakpin pagkatapos buuin ang La Liga Filipina.
Nang itatag ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892, ginawang honorary president nina Andres Bonifacio si Jose kahit ipinatapon na ang Pambansang Bayani sa Dapitan. “RIZAL” rin ang nagsilbing password na sasagutin ng kalalakihang naimbitahan upang maging Katipunero, isang mitsa na ginamit ng mga Kastila upang idawit ang doktor at nobelista bilang utak ng himagsikan.
Kalagitnaan ng 1896 nang magpasya sina Bonifacio upang matimbang nila mula kay Rizal ang kanyang tugon kaugnay ng binabalak na himagsikan. Upang mapagtakpan ang totoong intensyon ng grupo ay ipinadala patungong Dapitan si Dr. Pio Valenzuela kasama ang isang bulag na si Raymundo Mata.
Hulyo 21, 1896 nang magkita sina Valenzuela at Rizal upang ilatag ng bisita ang kanilang balak. Mariing sagot ng Pambansang Bayani na hindi pa handa ang Pilipinas upang mag-alsa at maikukumpara ito sa pagpapatiwakal
Depensa ni Valenzuela, kahit hindi man nila makuha ang suporta ni Jose ay panahon na lamang ang bibilangin bago tuluyang malantad ang organisasyon. Sapagkat napagtanto ni Rizal na hindi uurong sina Bonifacio, nagpayo siya na unahing lapitan ang mga mayayamang angkan ng Maynila at sakaling sumiklab ang rebolusyon ay kunin si Antonio Luna upang magsilbing military director. Ngunit malinaw pa ring buwelta ni Jose na hindi siya pisikal na susuporta