Lumabas sa survey na isinagawa ng kumpanyang Mixtend Inc. mula Tokyo na operator ng event planning website na Choseisan ang muling paglakas ng interes ng mga Japanese na ipagdiwang ang year-end parties o “bonenkai” pagkalipas ng tatlong taong coronavirus restrictions.
79.5% ng 4,147 respondents o katumbas ng walo sa bawat sampung katao ang sumagot na ginaganahan uli silang magdaos ng nasabing okasyon kasama ng kanilang mga katrabaho lalo na’t kapareho na lamang ng pangkaraniwang trangkaso ang trato ng mga Japanese health authorities sa COVID-19.
Mayorya rin ng mga sumagot nang pabor ay may kapasidad umanong magdaos ng “bonenkai” kasama ang sampu o higit pang katrabaho. Pero nang tanungin kung ano ang mga karaniwang problema ng mga may balak maghanda, 48% ang sumagot na hassle ang adjustment ng iskedyul, kasunod ang hirap na ihabilin sa kapartner ang anak ng mga pamilyadong office workers.
Paliwanag ng mga opisyal ng Mixtend Inc., pangunahing rason ng mataas na feedback ang naging pagdowngrade noong Mayo ng Japanese health classification and mitigation status ng COVID-19 mula sa mahigpit na Class 2 patungong Class 5 na pinakamababang ranggo.